Akdang Passionista

Sa walang hanggang katanungan, walang hanggan ang malalaman. Sa bawat tanong, mamimili ka, kung may bibitawan o may panghahawakan. Sa huli, sarili pa rin ang mamamayani.

Wednesday, May 18, 2005

TALANG BUNTIS

Dulang May Isang Yugto

MGA TAUHAN:

ANDRES 1, 35 pataas, ang tunay na Anres Bonifacio, Supremo ng Katipunan
ANDRES 2, 35 pataas, ang alter-ego ni Andres Bonifacio
PROCOPIO BONIFACIO, 30 pataas, kapatid ni Andres 1
MAJOR LAZARO MACAPAGAL, 35 pataas, nanguna sa pagdakip kay Andres 1
HEN. EMILIO AGUINALDO, 35 pataas, heneral na nag-utos sa pagdakip kay Andres 1
TATLONG KATIPUNERO, 30 pataas, mga tagasunod ni Andres 1
APAT NA KATIPUNERO, 30 pataas, mga tagasunod ni Andres 2
APAT NA KAWAL, 30 pataas, mga tauhan ni Major Macapagal

PANAHON AT TAGPUAN:

Ika-10 ng Mayo, 1897. Bundok Talang Buntis.

May mga halaman at mabababang puno ang paligid ng entablado. Mayroon ding mga dahon sa sahig na maririnig sa bawat hakbang ng mga tauhan ng dula.
Darating sina Andres 1, ang kapatid na si Procopio at tatlong katipunerong tagasunod. Bawat isa ay may dala-dalang sulo. Dahil sa liwanag ng buwan, isa-isa nila itong papatayin at iiwan lamang ang isang nakasindi.

PROCOPIO: Andres, siguro naman ay hindi na nila tayo masusundan dito. Lumalalim na rin ang gabi at kinakailangan na nating lahat ng pahinga.

ANDRES 1: Tama ka. Mga kasama, dito na lamang tayo magpalipas ng gabi at bukas na tayo ng umaga magdesisyon na ating susunod na hakbang.

Maghahanap ng kanya-kanyang puwestong mahihigaan ang lahat. Isa-isa nang mahihiga ang mga katipunero. Si Andres ay uupo lamang at kukunin ang dalang libro at magsisimulang magbasa. Sa kanyang pagbabasa ay kakausapin siya ni Procopio.

PROCOPIO: Andres, ano sa palagay mo? Tototohanin kaya ni Aguinaldo ang utos na ipaligpit ka?

ANDRES 1: Nais ko ‘yang alisin sa aking isipan ngunit hindi maaari. Alam ko ang kayang gawin ni Aguinaldo noong hindi pa siya naitatalagang lider ng Katipunan, lalo na ngayong binigyan na siya ng kapangyarihan ng maanomalyang kumbensyon sa Tejeros.

PROCOPIO: Kung bakit kasi ang daming mapapel sa Katipunan. Nasisira tuloy ang magandang samahan ng mga miyembro.

ANDRES 1: Kapangyarihan. Uhaw sila sa kapangyarihan. Yun ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng sigalot sa samahan.

PROCOPIO: Ang akala ko’y maituturo ng edukasyon ang pagiging tao. Ngunit ang mga nakapag-aral pa ang nagsisimula ng gulo.

ANDRES 1: Tama ka. Dahil sa inaakala nilang ang kanilang nalalaman ay sapat na upang mabigyan sila ng kapangyarihan, hinahamak nila ang mga tulad nating hindi nakapagkamit ng diploma sa isang respetadong unibersidad.

PROCOPIO: Hindi ka ba nagsisisi na hindi ka nakapag-aral sa isang respetadong unibersidad?

ANDRES 1: Procopio, ang makukuha mo sa isang unibersidad ay isang diploma lamang. Isang papel na maaaring punitin (Tatayo.) tulad ng mga sedulang sabay-sabay nating pinunit sa Pugadlawin tanda ng ating pagkakaisang maghimagsik para sa kalayaan ng Pilipinas! Mabuhay ang Pilipinas!

PROCOPIO AT MGA KATIPUNERO: (Nakataas ang kanang kamay na nakatikom, kahit na tulog ang mga katipunero.) Mabuhay!

ANDRES 1: Mabuhay! Mabuhay! Anong pag-ibig pa ang hihigit kaya, sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa.

PROCOPIO: E tapos?

ANDRES 1: Tapos ano?

PROCOPIO: Yung diploma na isang papel lamang?

ANDRES 1: Ah! (Muling uupo.) Isang papel na maaaring punitin at kalimutan na ng panahon. Hindi ko sinasabing walang halaga ang edukasyon. Para sa akin, mas mahalaga pa rin ang tapang at lakas ng loob na lumaban para sa kalayaan ng ating inang bayan! (Tatayo.) Mabuhay ang Pilipinas! (Magtataka dahil walang sumasagot.) Mabuhay ang Pilipinas! (Wala pa ring sasagot kaya sasagutin na lamang ang sarili.) Mabuhay! (Uupo.)

PROCOPIO: Kung ganon, hindi ka sumasang-ayon kay Gat Jose Rizal na kinakailangan ng edukasyon bago magkaroon ng himagsikan?

ANDRES 1: Kung dati ay iniidolo ko si Rizal, ngayon ay tila nabawasan na ito dahil sa pagtanggi nya sa pagsuporta ng himagsikan.

PROCOPIO: Ngunit ang sinasabi niya ay hindi pa tayo handa dahil sa bukod sa kulang tayo sa paghahanda ay kulang pa tayo sa armas.

ANDRES 1: Anong gusto niyang hintayin natin? Ang magkaroon ng mga de-kalibreng mga kagamitan? Mga kanyon? Mga sasakyang pandigma? Hindi na tayo aabuting buhay kung hihintayin pa nating dumating ang panahong iyon!

PROCOPIO: Yun nga rin ang ipinaliwanag sa kanya ni Pio Valenzuela na kinakailangan nang maganap sa lalong madaling panahon ang himagsikan dahil hindi na kayang tagalan ng mga Pilipino ang pang-aapi ng mga Español.

ANDRES 1: Pero nakinig ba siya? Naintindihan ba niya ang ating daing? Hindi!

PROCOPIO: Matindi ang paniniwala niyang nararapat na magkaroon muna tayo ng edukasyon bago lumaban. Kaya nga nakikita niyang mas magiging epektibong lider ng himagsikan si Hen. Antonio Luna kaysa sa ‘yo hindi ba?

ANDRES 1: Tama ba namang ikumpara pa ko kay Antonio Luna? Baka ngayon kung nabubuhay pa si Rizal magpasalamat pa siya sa ginawa ko.

May maririnig na kaluskos ang magkapatid.

PROCOPIO: (Mapapatayo) Naririnig mo ba yun?

ANDRES 1: (Mapapatayo) Oo! Bilis! Gisingin mo ang mga kasama.

Mabilis na gigisingin ni PROCOPIO ang mga kasamahan kaya’t magigising at magsistayo ang mga ito.

ANDRES 1: Ihanda ang mga sarili at mga armas! Baka iyan na ang grupong sinugo ni Aguinaldo para patayin tayo!

Biglang aaktong susugod ang grupo ni ANDRES 1 tatabi sa kanang bahagi ng kabundukan, sa pagdating ng grupo ni ANDRES 2.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home