Akdang Passionista

Sa walang hanggang katanungan, walang hanggan ang malalaman. Sa bawat tanong, mamimili ka, kung may bibitawan o may panghahawakan. Sa huli, sarili pa rin ang mamamayani.

Friday, February 11, 2005

Apat na Kuwento, Isang Buhos

Ang Krus ni Sandra

“Sandra, tinatanggap mo ba si Nico bilang iyong kabiyak? Sa lungkot o ligaya, sa hirap o ginhawa, hanggang kamatayan man?” arte ni Nico sa gitna ng altar.
“Opo, Father,” sagot naman ni Sandra.
“Nico, tinatanggap mo ba si Sandra bilang iyong kabiyak? Sa lungkot o ligaya, sa hirap o ginhawa, hanggang kamatayan man?”
“O, Nico, tumabi ka muna sa ‘kin bago ka sumagot.”
“Sandali lang. Ang hirap kasi maging pari at groom, e – Opo, Father – I now pronounce you, husband and wife. You may now kiss the bride.”
Enero 15, 2001. Sa paanan ni Hesus, sumumpa kaming dalawa ni Nico na magmamahalan hanggang kamatayan. Isang dula-dulaang tinampukan ni Nico bilang pari, ako bilang bride, at ni Nico pa rin bilang groom noong araw na iyon. Isang dula-dulaang sinapuso namin mula noon.

Oktubre 30, 2000. Hanggang makaapak ako sa lupa ng Sta. Cruz, Virac, tikom ang bibig ko dala ng sama ng loob sa pagbabakasyon sa probinsiya ng magulang ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang sa bayang walang sinehan at walang malls ako magpapalipas ng sembreak.
“Eto na ba si Sandra? Dalagang-dalaga na ha. Ilang taon na?” tanong ni Lola Cilay kay Mama. Bakas na bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan sa pagdating namin.
“Diyes y otso na, Ma. Sandra, mano ka sa lola mo.”
“Mano po, La.”
“Aba, dito pa rin nakatambay sa tindahan natin ‘tong mga batang ‘to? Binata na kayo ha!” puna ni Papa sa grupo ng tatlong lalaking nagkakantahan kasabay ng gitara.
Diyos mayad na banggi!” bati ng mga kabataan.
Diyos mayad na banggi! Kausap-kausapin niyo naman ‘tong anak kong si Sandra habang nandito kami ha. Tagalog nga lang kasi hindi yan nakakaintindi ng Bikol.”
“Ma!” pagpipigil ko kay Mama sa hiya.
Ipamidbid mo man kami, la!” bulalas ng isa.
“Ay! Sandra, sila nga pala sina Jobert, Garry, at Nico.”
“Hi Sandra!”
“Hi!” Natuwa naman ako dahil may makakausap akong kaedad sa lugar. Noon kami nagkakilala ni Nico.
Nobyembre 1, 2000. Pagkagaling namin ng sementeryo, nakita ko sa tindahan si Nico na mag-isang naggi-gitara. Hindi na ako nag-alangang lumapit sa kanya.
“Uy, Nico. Bakit mag-isa ka?” tanong ko.
“E, pumunta sila sa sementeryo. Di pa bumabalik. Kayo ba galing din dun?”
“Oo. Nagdasal lang sina lola tapos umalis na.”
“Ikaw? Hindi ka nagdasal?”
“Ha? Siyempre kasali na ‘ko sa dasal nina lola. Kayo ba nagpunta na dun?”
“Hindi. Wala naman kaming patay dun, e. Minsan tuloy gusto kong may mamatay sa ‘min para maranasan ko naman lumagi dun.”
“Sira ka talaga! Mahirap mamatayan no. Kawawa yung maiiwan.”
“Drama naman. Marunong ka bang kumanta?”
Simula na iyon ng araw-araw at gabi-gabi kong pagsama kay Nico. Di naman ako pinipigilan nina Papa dahil kakilala naman nila ang pamilya ni Nico. Gumigising ako ng maaga para sa pagpunta namin sa may pier. Inaabangan namin ang pagdating ng barko. Hinihintay din namin ang pag-alis nito. Magkasama naming minamasdan ang dagat. Pagdating ng hapon, nagpupunta kami sa plaza. Uupo lang kami dun at titignan ang mga dumaraang tao. Pagsapit naman ng gabi lalakad uli kami sa may pier at babalik sa tindahan para magkantahan.
Nobyembre 6, 2000. Tumabi sa akin si Nico sa simbahan. Laking pasasalamat ko at hindi ako makakatulog sa sermon ng pari. Kung may kasama lang ako sa bahay ng Lola, magpapaiwan na lang ako. Sa Maynila nga, hindi nila ako napipilit magsimba.
Pagkatapos ng komunyon, lumuhod kami ni Nico sa may luhuran. Bago pa man ako makabalik sa pag-kakaupo, narinig ko ang boses ni Nico.
“Wag ka nang aalis, please,” bulong ni Nico habang nakapikit na akala mo nagdadasal.
“Ha?” tanong ko.
“Lord, wag niyo na po siyang paalisin. Tutulungan ko nang mag-igib sa poso si Bunso. Itatapon ko na yung mga bastos kong magazine. Hindi ko na rin sasagutin si Papa pag napapagalitan ako.”
Napangiti na lang ako. Kung hindi lang taimtim na nagdadasal ang mga katabi namin, nabatukan ko na si Nico. Pero sa loob-loob ko, parang may nagtutulak sa ‘king sagutin ang dasal niya.
Nobyembre 10, 2000. Matagal kong pinag-isipan ang desisyon ko. Hindi yata biro tumigil sa isang lugar na walang gimikan kundi beach. Isang sem lang ako titigil dito. Pag walang magandang nangyari, babalik ako ng Maynila pagsapit ng Abril o kahit kailan ko gusto. Naisip ko na rin ang pinakamagandang dahilan kung paano ko mapapapayag ang magulang ko. Hindi ko naman naiwan sa Maynila ang pagiging Theater major ko.
“Ma, Pa, napagisip-isip ko na kailangan ko naman gumawa ng mabuti. Hindi yung puro sa sarili ko lang. Yung tipong makakatulong sa iba.”
“Sandra, okay ka lang? Naririnig mo ba sarili mo?” duda ni Mama.
“Kahit naman po ganito ‘ko, may natitira rin akong kabaitan sa katawan.”
“Sige nga. Anong kabaitan naman ang balak mong gawin?” tanong ni Papa.
“May youth organization pala rito na binuo ng simbahan. Nagtuturo sila sa mga batang walang pang-tuition. Sinasama rin sila ng mga madre sa pagpapakain sa mga bata.”
“Gusto mong sumali sa youth organization sa simbahan dito?” pagkagulat na tanong ni Mama.
“Magandang ideya yan! Kulang na kulang nga ang mga boluntaryong kabataan dito. Payagan niyo na si Sandra. Bayai niyo na su aki,” pagkampi sa ‘kin ni Lola na inudyukan ko na nung una na suportahan ako.
“Pano pag-aaral mo?” tanong ni Papa.
“May next sem pa naman e. Itong conviction ko, baka wala na next sem.”
Nobyembre 12, 2000. Hinatid namin nina Lola at Nico sina Mama at Papa sa pier. Habang papalayo ang barko, naglalaro sa isip ko kung kaya kong pangatawanan ang desisyon ko. Hinawakan ni Nico ang kamay ko na para bang sinisigurado ako na kakayanin namin ito.
Pagkagaling namin ng pier, dumeretso na kami ni Nico sa Fiat House Church para magpalista sa sasalihan kong youth organization. Matagal nang miyembro doon si Nico mula nang matigil siya sa pag-aaral dahil kapos ang pamilya nila. Kilala rin doon ang Lola kaya madali akong tinanggap. Tuwing Sabado ang pagtuturo sa mga bata. Dalawang beses sa isang buwan naman ang pagpapakain sa mga malalayong baryo.
Noong una, nahirapan ako sa mga proyekto ng grupo, kahit pa kasama ko lagi si Nico. Hindi naman ako sanay na ako ang gumagawa. Mas na-enjoy ko naman ang pagtuturo dahil lihim kong pangarap ang makapagturo sa mga bata.
Sa pagtagal ng panahon, naging madali na ang mga gawain para sa akin. Minahal ko na ang ginagawa ko. At dahil laging mga madre ang kasama namin, nabuksan na ang puso ko sa mga turo ng simbahan, na dati hindi ko man lang pinapakinggan. Wala sa plano kong maging malapit sa Diyos, pero nangyari.
Diyembre 12, 2000. Nagpakain kami ng mga bata sa isang baranggay sa Baras. Habang sinusubuan ang mga bata, nagawa pa naming mag-usap ni Nico.
“Sandra, pag kasal na tayo, wag tayong mag-aanak ng marami. Mahirap ang buhay. Ayoko silang magutom,” sabi ni Nico na may bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha.
“Ano ba yan! Kasal at anak na agad. Wala ka pa ngang sinasabi sa ‘kin e!”
“Na ano? Na mahal kita? Sandra, hindi na sinasabi ang mga bagay na puwede naman ipakita.”
Oo nga naman. Mas mabuti pa yung pinapakita kaysa puro dada.
Disyembre 20, 2000. Umuwi ako ng Maynila para makasama ang pamilya sa Pasko. Gustuhin ko mang makasama rin si Nico, hindi pupuwede. Pareho kaming may pamilyang naghihintay. Pero bago ako umalis, nag-iwan ako sa kanya ng isang sulat.
Dear Nico,
Dumating ang mga bagay sa buhay ko na wala sa aking plano. Sa pag-apak ko sa lugar na ito, na hindi ko rin iaasahan, nakilala ko ang taong naging instrumento ng Diyos para mapalapit ako sa Kanya. Sa maikling panahon na pagsasama natin, sapat na na mawala ang unang bahagi ng buhay ko na hindi kita kapiling. At dahil ang Diyos ang pumapagitna sa ating dalawa, sino pa ang maaaring sumira sa ating nasimulan? Hintayin mo ang pagbabalik ko, Nico.
Mahal na mahal kita!
Sandra


Enero 21, 2001. Mag-iisang lingo mula ng sumpaang nangyari, inasahan kong mas titibay ang relasyon namin ni Nico. Ngunit hindi ko akalaing ito ang magiging unang araw na hindi niya ako pinuntahan kahit sandali sa bahay.
Enero 22, 2001. Wala pa rin si Nico. Kahit sa labas hindi ko siya nakikita. Tinatanong ko ang mga kabarkada niya pero di rin nila alam. Kaya kahit hiyang-hiya ako, naglakas-loob akong pumunta sa bahay nila para magtanong.
“Magandang umaga po, Manay Lourdes. Si Nico po?”
“Bakit Sandra? May mahalaga ka bang sasabihin sa kanya?” tanong ng ina ni Nico.
“Hindi naman po ganun kaimportante.”
“A, ganun ba. Hindi kasi siya puwedeng istorbohin e.”
“Bakit po?”
“May mahalaga siyang ginagawa.”
“Dito po sa bahay niyo?”
“Hindi, sa seminaryo.”
Pinigilan ako ni Manay Lourdes sa pag-alis para ipaliwanag ang nasabi. Hindi ko na inalam. Hindi mababago ng paliwanag ang naramdaman ko. Pumunta ko sa pier at doon lumuha sa harap ng dagat. Unti-unting gumuguho ang pundasyon sa buhay ko na binuo naming dalawa ni Nico. Umaayon ang dagat sa lakas ng paghampas ng alon. Puno ng ngitngit ang bawat hampas - paulit-ulit. Paulit-ulit ang tanong sa isip ko kung bakit ito ginawa ni Nico. Bakit sa ganitong paraan kami maghihiwalay? Bakit sa paraang sagrado? Bakit sa paraang wala akong kakayanang mabago?
Enero 23, 2001. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Ayoko namang mamroblema sa akin si Lola. Sa aking pag-iisip, dinala ako ng aking mga paa sa simbahan at nangumpisal.
“Bless me, Father, for I have sinned since my last confession.”
“Anong kasalanan mo?” tanong ng pari.
“Hindi po ‘ko naging mabuting Kristiyano.”
“Pano mo naman nasabi ‘yan?”
“Nawawalan na po ko ng pananampalataya sa Kanya.”
“Bakit naman, anak?”
“Dahil hindi ako mahal ng Diyos.”
“Lahat tayo mahal ng Diyos. Mahal ka ng Diyos, anak.”
“Kung mahal ako ng Diyos, hindi Niya kukunin ang taong mahal ko. Hindi sa ganitong paraan! Makasarili Siya! Makasarili Siya!”
Nagtatatakbo ako palabas ng simbahan. Sinundan ng mga patak ng luha ko ang bawat hakbang na nagdala sa akin sa may plaza. Walang makakaintindi sa nangyayari sa ‘kin. Lahat papanig sa ginawa ni Nico. Lahat aayon sa tawag ng Diyos. Maiiwan ako sa kagustuhan kong makasama si Nico habang-buhay.
Enero 28, 2001. Kaarawan ni Nico. Bumili ako ng cake at regalo para sa kanya. Matagal kong pinag-isipan kung anong ibibigay ko. Ito na ang araw ng aming pagkikita. Nakiusap ako kay Father kung puwede kong kausapin kahit sandali si Nico para mabati siya at ibigay ang regalo. Pinaghintay niya ko sa hardin sa likod ng simbahan. Doon, naupo ako habang hinihintay ang pagdating ni Nico.
“Happy birthday, Nico,” bati ko nang may ngiting matagal nang hindi nakikita ni Nico.
“Hindi ka na galit sa ‘kin?”
“Eto nga pala cake at regalo ko.”
“Salamat. I’m sorry di ko agad nasabi sa ‘yo. Hayaan mo ‘kong magpaliwanag.”
“O sige. Birthday mo naman e.” Nakangiti pa rin ako.
“Naikuwento ni Mama kay Father na kapos kami kaya hindi ako makapag-aral. Inalok siya ni Father na ipasok ako sa seminaryo kahit medyo huli na. Pumasa ako sa pagsusulit kaya hinayaan nila akong humabol na lang sa mga lectures. Sandra, gustung-gusto ko na mag-aral. Pinagkaloob sa ‘kin ng Diyos yun. Hindi ko Siya puwedeng hindian. Sana maintindihan mo ‘ko,” paliwanag ni Nico.
“Buksan mo na regalo mo.” Sarado ang isip ko sa mga sinabi niya.
Nakita kong puno ng pagtataka si Nico habang binubuksan ang regalo. Tinulungan ko siyang buksan ito – ang regalong matagal kong pinag-isipan.
“Krus?” pagtataka ni Nico sa kung ano ang tunay kong intensiyon sa pagbigay nito. Oo, isang bakal na krus na may kalakihan at matalas ang bawat dulo.
“Huwag kang magtaka, Nico. Hindi tayo puwedeng magkahiwalay sa paraang pinili mo.”
“Anong sinasabi mo?”
Kinuha ko ang kahon ng regalo at inilabas ang laman nitong krus. Matapos kong tignang mabuti ang alay ko kay Nico, tinignan ko ang mukha ng taong naging dahilan ng pagbabago ko. Muli kong kinilatis ang panlabas na anyo ng taong binigay at gustong kunin ng Diyos sa akin. Nakatitig din siya sa akin. Nakaabang at nagtataka sa kung anong plano kong gawin. Hinawakan ko nang mahigpit na mahigpit ang isang dulo ng krus. Ramdam ko na sa paghawak ko lang, kumikirot na ang palad ko. Nababasa na rin ng luha mula sa akin ang krus na hawak ko.
“Sandra?” labis na pagtataka ni Nico.
“Hindi puwede, Nico. Hindi puwede!” Tinarak ko nang madiin ang krus sa sikmura ni Nico. Namilipit siya at bumagsak sa lupa. Patuloy ang pag-agos ng dugo mula sa taong pinakamamahal ko.
“Kung hindi ka para sa ‘kin, Nico, lalong hindi ka para sa Kanya. Kung hindi ka mabubuhay para sa ‘kin, mas lalong hindi ka mabubuhay para sa Kanya.”
Tumakbo ako palayo ng hardin. Ilang sandali pa at nagsimula akong maglakad. Kahit anong tulin man ang pagtakbong gawin ko, mahuhuli nila ‘ko. Pero kahit mahuli nila ‘ko, hindi na ko babalik sa nagtanggkang kumuha sa taong mahal ko. Hindi ko na rin makakasama ang taong iyon. Wala na kong babalikan pa.

-wakas-

Ballerina sa Music Box


“Nakatitig ka na naman diyan,” sabi ni Maya, ang officemate at boarder ko.
“Ang ganda no? Sabi ko noon sa sarili ko, yung taong magbibigay sa ‘kin ng ballerina sa music box, ang taong pakakasalan ko,” sagot ko.
“Ganon? E sino ba nagbigay sa ‘yo niyan?” pang-uusisa ni Maya.
***
Mag-aapat na taon na kaming magkaibigan ni Dave. First Year namin sa kolehiyo nang magkakilala kami. Pareho kaming kumukuha ng B.A. Psychology. Magkasama kaming naglakad sa kalawakan ng campus. Kapit-kamay naming nilunok ang masasakit na salita mula sa aming mga guro. Magkasabay kaming natutong gumimik sa tuwing makakapasa sa exam.
Maraming nagtanong kung kami ba ni Dave. Lagi kasi kaming magkasama at wala naman kaming pinapakilalang ibang karelasyon namin. Siguro, sa dami na ng pinagdaanan namin, daig pa namin ang mag-boyfriend. Tinanggihan ko lahat ng nanligaw sa akin. Masaya na ako sa kanya. Di man niya sabihin, naramdaman kong mahal niya ako. Kaya naman sa tuwing may sakit siya, para akong nanay niya kung mag-alaga sa kanya. Tuwing may okasyon tulad ng Pasko, birthday o Valentine’s day, lagi akong may nakahandang regalo sa kanya. Siya ang una at huling kausap ko sa araw-araw.
Tuwing magbi-birthday ako, lagi niya akong sinusurpresa. Noong nakaraang taon, nagising na lamang ako ng may basket ng bulaklak sa mesa sa tabi ng aking kama. Paglabas ko ng kuwarto, nakita ko siya sa may kusina, nakangiti.
“Breakfast is ready,” sabi niya.
Kaya naman pati sa aming bahay, ang alam ng pamilya ko, boyfriend ko si Dave. Wala naman silang masabi kay Dave dahil magaling itong makisama. Hindi nga lang niya kasundo lahat ng kaibigan kong babae. Pero, gusto siya ng mga kaibigan kong babae. Lagi nilang noong sinasabi sa ‘kin na halata namang mahal namin ang isa’t isa. Kulang na lang daw ay manligaw siya nang pormal at sagutin ko siya. Para sa akin, wala nang kulang. Sapat na ang nakikita ng aking mga mata.

“Dave dali, ito na yung results ng exam.”
Gamit ang kanang kamay sa paghahanap ng aking pangalan sa listahan, hawak-hawak naman ng kaliwa kong kamay ang kanang kamay ni Dave. “Bakit parang wala pangalan ko?”
“Baka naman hindi yan.”
“Eto yun. Eto yun, Dave. Wala ‘ko sa listahan. Ibig sabihin --” Nanlambot ang tuhod ko sa katotohanang hindi ako nakapasa. Umiyak ako. Bago pa man ako bumagsak sa sahig, agad akong niyakap nang mahigpit ni Dave.
“Hayaan mo na, Alyssa. Bawi ka na lang sa susunod na exam.” Mahigpit ang pagakakayakap niya sa akin na parang walang sino man ang maaaring makasakit sa akin..
“Pinaghirapan ko yun.”
“Hayaan mo na. Sige ako na lang manlilibre sa’ yo. Kain tayo sa favorite mong kainan.”
Kung wala ako sa dibdib ni Dave nung panahong iyon, marahil ay nakalapat na ang aking likod sa mainit na sahig ng campus. Dinala niya ‘ko sa paborito kong pizza parlor.
“Tama na ang iyak. Lumalaki na ilong mo.”
“Dave naman e!”
“Tama na kasi, order na tayo.”
“Salamat ha.”
“Para saan? Sa libre? May bayad ‘to no!”
“Salamat kasi nandiyan ka lagi para sa ‘kin.”
Hinawakan ni Dave ang kamay ko. Sapat na ang hawak na iyon upang ipaliwanag kung bakit lagi siyang nariyan para sa akin.
Habang tumitingin kami sa menu, napansin kong may tinatanaw siya sa kabilang panig ng kainan. “Sinong tinitingnan mo?”
“Wala, order ka na.”
Habang tumitingin sa menu si Dave, pasilip-silip pa rin siya. Parang hindi siya mapakali sa kanyang kinauupuan.
“May problema?”
“Wala nga, order ka na. Sige ka baka magbago isip ko.”
Pagkatapos naming kumain, muli kong tiningnan ang bawat mesa ng kainan. Wala naman akong makitang kakilala doon ni Dave. Kaunti lang naman ang kaibigan ni Dave – kagrupo niya sa laboratory o sa ibang klase, kaya malamang ay makikilala ko yun. Hinayaan ko na lamang lumipas ang aking pagtataka.
Isang gabi, nagising na lamang ako ng isang malakas at walang tigil na katok Napabalikwas ako sa kama at agad lumabas upang silipin kung sino ang kumakatok. “Dave?”
Niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit. Humahagulgol na siya. May dala-dala siyang malaking backpack.
“Anong nangyari?”
“Pinalayas ako. Nina Papa. Saka ko na -- ipapaliwanag. Pede, dito muna ko matulog? Isang gabi lang. Wala ‘kong mapuntahan. Disoras na ng gabi.” Hindi na halos maintindihan ang sinasabi niya sa patuloy niyang pag-iyak.
Wala ang roommate ko ng gabing iyon kaya’t pinahiga ko si Dave sa kanyang kama. Naupo ako sa kanyang tabi habang hinihintay ko siyang makatulog. Isa siyang bata na walang tigil ang paghikbi matapos pagalitan ng magulang. Nais kong malaman ang dahilan kung bakit siya napalayas. Mabait at masunuring anak si Dave. Ni minsan ay wala akong nalamang naging problema nila sa bahay. Hindi na lamang ako nagpumilit. Marahil bukas, handa na siyang magsabi. Wala namang naitatago sa akin si Dave.
Kinabukasan, paglingon ko sa kamang kinahihigaan ni Dave, wala na siya. Agad akong lumabas ng kuwarto. Nakita ko na lamang ang sulat niya sa ref.
Alyssa,
Salamat sa pagpapatulog mo sa ‘kin sa apartment mo. Salamat kasi lagi kang nandiyan para sa ‘kin. Sana kahit anong mangyari, magkaibigan pa rin tayo.
Dave

Buong araw kong hindi nakita si Dave. Ni hindi siya tumawag sa landline o mag-text man lang. Naisip ko na kailangan niyang mapag-isa. Pero, ngayon niya kailangan ng karamay. Gustuhin ko man ipadama ngayon ang pagkalinga ko sa kanya, hindi ko naman siya makita.
Ilang beses ko siyang tinext, pero di siya nagre-reply. Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi ko siya ma-contact. Tatawagan ko na sana siya sa landline nila sa bahay pero naisip kong dumeretso na lamang doon sa pagbabakasakaling makita ko siya sa wakas.
“Tao po.” Marahan akong kumatok.
Dumungaw ang ina ni Dave at saka binuksan ang pinto.
“Ikaw pala, Alyssa, pasok ka,” paanyaya ng ina ni Dave.
“Tita, good morning po. Andiyan po ba si Dave?”
Pumasok ako sa loob ng bahay at saka naupo sa kanilang sofa.
Naupo rin ang kanyang ina sa aking tabi. “Wala siya e.”
“Alam niyo po ba kung nasaan siya?”
“Ate Alyssa, alam mo ba --” biglang singit ng walong taong kapatid ni Dave.
“Pasok sa kuwarto. Hindi ba sabi ko sa ‘yo masamang nakikinig sa usapan ng matatanda?” mabilis na pagbara ng ina ni Dave.
“Ano po ba talaga nangyari?”
“Ilang araw na siyang di umuuwi. Akala ko nga sa inyo tumuloy. Napagalitan kasi namin siya ng Papa niya.”
“Nung isang gabi nga po nakitulog siya sa ‘min. Tapos ‘di ko na po siya nakita.”
“Hindi ko rin alam e. Pasensiya na.”
“Ganun po ba. Sige po, aalis na ko.”
Pakiramdam ko may tinatago ang pamilya ni Dave sa akin. Kailangan kong malaman kung ano na ang nangyari kay Dave. Nag-aalala na ako. Nami-miss ko na rin siya. Hindi na ako sanay nang hindi kami nagkikita kahit isang beses lang sa isang araw. Hindi rin siya pumapasok sa klase niya. Nagtanong-tanong ako sa iilang kaibigan niya, walang may alam kung nasaan siya. Habang hinahanap ko siya, hinahanap din siya sa akin ng mga may kailangan sa kanya.
Hi Alysa! Wer po c Dave? Miting us now e.
Kita mo b c Dave? Practice namen sa PE mamya.
Asan c Dave? Kagrupo ko siya sa lab.
Napapagod na ‘ko sa kakasagot na hindi ko alam kung nasaan siya. Dahil kung alam ko kung nasaan siya, agad ko siyang pupuntahan para yakapin ng mahigpit, kamustahin at kalingain.
Maraming naglaro sa isip kong mga dahilan kung bakit nawala si Dave. Naisip kong baka nalulon na siya sa droga, nahiya lang siya sabihin sa akin. Naisip kong pinadalhan ng paaralan ng sulat ang kanyang mga magulang na nagsasabing tatanggalan na ng scholarship si Dave kaya siya pinalayas.
Bakit hindi man lang siya nag-tetext sa akin? Nung gabing natulog siya sa apartment ko, naramdaman ba niyang nakatitig ako sa kanya? Naasiwa ba siya? Bakit naman? Alam naman namin ang nadarama ng isa’t isa. Lalo akong naguluhan.

Lumipas ang dalawang linggo at wala ni anino ni Dave ang nagpakita. Naisip kong baka kaya hindi ko siya makita kasi ayaw niya pang magpakita. Hindi na muna ako nagpumilit na makita siya. Alam ko babalik siya. Alam ko sa birthday ko, darating siya nang may dalang surpresa, tulad ng lagi niyang ginagawa.

May nakapagsabi sa akin na nakikita raw niya sa isang bar sa Malate si Dave. Hindi na ako naghintay ng iba pang makakapagsabi na nakita rin nila doon si Dave. Baka gusto na niyang magpakita sa akin. Mag-isa akong nagtungo sa bar na sinabi sa akin.
Maraming tao ng gabing iyon sa bar. Bawat isang table yata may nagkakantahan ng Happy Birthday. Maraming magkakaibigan, magbo-boyfriend, lalaki sa babae, babae sa babae at lalaki sa lalaki. Naalala ko tuloy si Dave. Lagi kami magkasama noon gumimik. Lagi akong nauunang malasing sa kanya. Hindi niya ako pinapabayaan pag nangyayari yun. Sinasamahan pa niya ako sa CR pag nagsusuka ko. Hinihimas niya ang likod ko habang sumusuka ako.
Naisip ko noong magpunta muna sa CR dahil nahihilo na ako sa usok ng sigarilyo. Hindi na ako sanay sa ganitong amoy sa tagal ko nang di nakakapunta ng bar. Magkatapat lang ang CR ng babae at lalaki sa bar. Gawain namin noon ng mga kaibigan kong babae kapag papasok kami ng CR, susulyap muna kami sa nakabukas na CR ng lalaki. Bago ako pumasok ng C.R., sumulyap ako sa kabilang C.R. at may naaninag akong tao na pamilyar ang tindig.

Birthday ko na. Hindi ko na inasahang darating pa si Dave. Naghanda pa rin ako sa aking apartment kahit na wala ang lalaking pinakamamahal ko. Habang abalang kumakain at nagkukuwentuhan ang aking mga bisita, tahimik akong nakaupo sa isang sulok. Parang hindi ako ang may birthday. Hindi ko magawang magsaya kasi wala naman si Dave sa tabi ko.
Habang isinasalin ko ang pansit mula sa kawali, napansin kong tumahimik ang lahat at lumingon sa may pintuan. Nakita ko si Dave. Bigla kong nabitawan ang kawali. Nagmadali akong pumasok sa kuwarto. Sinundan niya ako kaya’t ni-lock ko ang pinto. Nakasandal ako sa pinto habang nagpupumilit siyang pumasok.
“Alyssa, mag-usap tayo. Please naman Alyssa, pakinggan mo ‘ko.”
“Bakit ngayon ka lang nagpakita?”
“Puwede ba diyan na lang tayo sa loob mag-usap?”
“Bakit nahihiya ka sa mga bisita ko? Iilan lang yan Dave! Sa bar, marami! Pero hindi ka nahiyang makipaghalikan sa lalaki mo!”
“Ano?” gulat na tanong ni Dave.
“Nakita kita sa bar nung isang gabi. Naghahalikan kayo ng lalaki mo. Bakit hindi mo sinabi sa ‘kin agad? Bakit nun ko lang nalaman na --”
“Na bakla ako? Oo, Alyssa. Bakla ako. Sasabihin ko rin naman sa ‘yo e.”
“Kailan pa, Dave?”Napaupo na ako sa sahig.
“Si Bryan lang ang nagpatunay, kung ano talaga ang gusto ko. I’m sorry kung ang kinakagalit mo ay yung hindi ko pagsabi sa ‘yo agad. Natakot din ako.”
Naramdaman kong napaupo na rin siya sa sahig.
“Niloko mo ko. Pinaniwala mo ‘kong mahal mo ko. Pinaniwala mo ang pamilya ko, ang mga kaibigan ko, lahat!” lakas-loob kong sinabi.
“Alyssa, wala naman akong sinabing -- noon pa man kaibigan na ang turing ko sa ‘yo.”
Natigilan ako. Matagal bago ako nakasagot.
“Bakit ako? Bakit hindi na lang iba ang trinato mo na parang girlfriend pero hindi naman pala?”
“Dahil sa lahat ng taong nakilala ko, ikaw lang ang nakita kong kaya akong tanggapin kahit na sino pa man ako. Ikaw lang ang lagi kong kasama. Lagi kang nandiyan ‘pag may problema ‘ko. Kaya alam ko kapag dumating yung panahong makilala ko ang tunay kong pagkatao, kaya mo ‘kong tanggapin,” paliwanag ni Dave.
“Umalis ka na Dave.”
“Alyssa please, huwag naman ganito. Ikaw na lang ang maaasahan ko ngayon. Tinakwil na ‘ko ng pamilya ko. Iniwan na ‘ko ni Bryan. Huwag mo naman akong layuan. Hindi ko na alam ang gagawin ko ‘pag pati ikaw nawala sa ‘kin. Parang awa mo na, tanggapin mo naman ako.”
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at nakita ko si Dave, nakaluhod at basang-basa ng luha ang kanyang mukha. Agad ko siyang niyakap nang mahigpit. Ito ang taong mahal na mahal ko. Bakit ko siya hahayaang magmakaawa ng ganito?
“Tahan na, Dave. Handa akong tanggapin ka uli.”
Pinunasan ni Dave ng panyo ang kanyang mukha. Hinawakan niya ang kamay ko.
“Salamat. Friends na tayo uli?” nakangiti na siya.
“Oo.”
Binitawan niya ang aking kamay at naalala niya ang regalong dala-dala niya.
“Gift ko sa ‘yo. Happy Birthday!”
“Salamat.”
Agad ko itong binuksan – isang music box na may ballerina.
Marahil, hindi pa talaga ito ang music box na hinihintay ko.

***
“Ang lungkot naman nun. Bakit inaalala mo pa e hindi naman maganda ang ending niyong dalawa?” sagot ni Maya habang nakapangalumbaba sa may mesa.
“Basta nagdulot sa ‘yong magmahal, dapat inaalala.”
“Nasan na si Dave ngayon?”
“Pagka-graduate namin, nakahanap siya ng magandang trabaho sa Canada. Pero nage-email pa rin kami ngayon.”
“Ano kayang mangyayari sa love life mo?”
“Ang pagmamahal, tulad lang yan ng pagsasayaw ng ballerina sa music box. Hanggang may magpipihit ng susi, may tutugtog. Hanggang may tugtog, patuloy siyang magsasayaw. Kapag ayaw na niyang pihitin ang susi, hihinto ang tugtog at hihinto ang ballerina sa pagsayaw. Pero hanggang may susi, darating at darating ang panahon na may magpipihit nito, may tutugtog at muli siyang magsasayaw.”
“Ay, sandali lang may kumakatok.”
Paglabas ng kuwarto ni Maya, sinara ko ang music box at tinago ito sa cabinet ko.
“Alyssa, andito si RJ, ang masugid mong manliligaw. Ilang buwan ka nang sinusuyo niyan ha! Ano bang balak mo diyan?” tanong ni Maya pagpasok ng kuwarto.
Napangiti lamang ako saka lumabas ng kuwarto para harapin si RJ.
“Happy Birthday Alyssa! May nakilala nga pala ‘kong kaibigan mo nung college. Magugustuhan mo raw ‘to. ”
“Salamat.”
Sinira ko ang ballot at binuksan ang kahon - isang music box na may ballerina. Mas maganda ang ballerina, mas masaya ang tugtog at mas napapanahon ang pagkakabigay. Pinihit ni RJ ang susi, nagsimula itong tumugtog at nagsayaw ang ballerina.
-wakas-


Exclusives

“Bago bumoto, kilalanin muna natin ang bawat isang kandidato sa pagka-presidente. Sino nga ba si Senador Arnaldo Galang – ang Kalaban ng mga Corrupt? Naging tapat sa tungkulin si Galang mula nang siya ay Undersecretary pa lamang ng DOLE. Matagal nang kakampi ng administrasyon kaya naman siya ang sinuportahan ngayon ng pangulo. Kilala rin siya bilang isang taong walang kinakatakutan - ”

“Anong nangyari? Bakit di lumabas yung balita ko tungkol kay Galang?” Pilit pinipigilan ng reporter na si Eric Amparo ang galit. Halos mawasak ang lamesa sa paghampas dito ng kanyang mga kamao. Kinuwestiyon niya si Tracy, ang segment producer ng programang Exclusives.
“Eric, sorry, pero hindi kasi na-approve ng executive producer yung news mo,” sagot ni Tracy.
“Bakit nga?” Hindi siya makuntento sa isang lagot lang.
“Masyado raw mabigat. Baka makasuhan tayo,” pilit na pagpapaliwanag ni Tracy.
“Anong ikakaso nila e may ebidensiya naman ako?”
“Sa ‘kin okey yung report mo. Malaking pasabog yan. Pero alam mo naman, may nakakataas sa ‘tin.”
“Kakausapin ko na lang siya.”
“Huwag na, Eric. May kutob akong may mas mataas na taong humarang sa report mo. Hindi mo ba alam na matagal nang magkakilala si Galang at si Boss Ronald? Batchmate niya yun sa college. Ninong pa yun ng panganay ni Boss Ronald. Ang alam ko nga, yun pa yung nagpahiram ng pera kay Boss Ronald dati. Nung may hinarap siyang kaso nung nagsisimula pa lang siya as reporter.”
“So? Ang sabi ni Boss Ronald, basta matibay ang ebidensiya, pwedeng ilabas ang balita. Matibaya ang hawak kong ebidenisya. Naipuslit yun ng bubwit ko sa Malacañang. Bakit natin itatago yung tungkol kay Galang?”
“Pasenisya ka na talaga. Wala akong magagawa. Rush na nga yung report na pinalabas kagabi about Galang.”
“Kung hindi nila ipapalabas ang report ko, maghahanap ako ng ibang puwedeng magpalabas nun.”
Hindi mapagtanto ni Eric kung bakit hindi nailabas ang kanyang balita. Sa dalawang taon niyang pamamahayag, ngayon lang naharang ang report niya. Pagkalabas ng opisina, nakatanggap ng tawag si Eric mula kay Ryan, ang asset niya sa Malacañang.
“Hello, Ryan. Sensiya na. Di lumabas balita natin.”
“Sir, alam ko na kung bakit ‘di lumabas. May nakausap akong messenger ng opisina ni Galang. Nagdeposito siya ng limang-daang libong piso para sa isang bank account.”
“Kaninong bank account?”
“Mr. Ronald Santos.”
Natigilan si Eric. Matagal bago siya muling nakasagot. “Sige – salamat.”

Ilang gabing pinag-isipan ni Eric ang nangyari at kung ano ang susunod niyang hakbang. Hindi makapaniwala si Eric na sangkot ang kanilang Vice-President sa pagharang ng kanyang balita. Matapos buuhin ang desisyon, agad siyang pumunta sa opisina ni Mr. Santos. Naabutan niya itong may kausap sa telepono. Nang makita ang presensiya ni Eric, agad itong nagpaalam sa kausap at hinarap si Eric.
“O, Eric. Anong balita?” tanong ni Mr. Santos.
“Ako dapat magtanong niyan. Anong balita? Marami na ba kayong nabili sa limang libong piso?” madulas na tanong ni Eric.
“What are you talking about? Go straight to the point, Eric.”
“Five hundred thousand pesos to keep our mouths shut!”
“Huwag mo ‘kong pagtaasan ng boses! I’m still you boss! I have the power to –”
“To fire me? Of course you can! Kayang-kaya mo ngang pagtakpan sa buong Pilipinas ang baho ni Galang e!”
“I have the right to scrap your news. I’m the VP of this company. Hindi ko hahayaang mapahamak ang reputasyon ng istasyon na ‘to. Pinaghirapan natin lahat ‘to. Pag nilabas natin ang balita, kayang-kaya niya tayong ipakulong lahat!”
“Kung hindi mo papayagang ilabas ang balita ko, maghahanap ako ng ibang pedeng magpalabas nun.”
“Don’t threaten me, Eric. Iiwan mo ba’ng dalawang taon mong serbisyo dito for that crap?”
“This is not crap, Mr. Santos. Here’s my resignation letter.”
Matalim ang tingin ni Eric kay Mr. Santos kasabay ng pagbaba niya ng sulat sa lamesa nito. Tumalikod siya ng walang paalam at lumabas ng opisina.
Tila kuryenteng kumalat sa buong istasyon ang pagre-resign ni Eric. Maraming nanghinayang sa matagal na serbisyo niya, pero marami ring humanga sa kanyang desisyon. Sa kanyang paghahanap ng maaaring magpahayag ng kanyang balita, nakatanggap siya ng isang tawag.
“Hello, sino ‘to?” tanong ni Eric sa tumawag sa kanyang cellphone.
“This is Eduardo Avenida. Editor-in-chief ng Pilipinas Ngayon. Si Eric Amparo na ba ‘to?”
“Yes. What can I do for you?”
“Didirestsuhin na kita, Mr. Amparo. Interesado kami sa balita mo. Hindi namin kayang tapatan ang presyo mo sa dati mong istasyon. Pero makakasiguro kang lalabas sa dyaro ang balita mo.”
“Gaano kasiguradong lalabas ang baho ni Galang?”
“Siguradung-sigurado, Mr. Amparo. Handa ka na ba sa death threats?”
“I’m more than ready, Mr. Avenida. Kailan tayo pede magkita?”

Walang oras na sinayang si Eric. Pinasa niya ang kanyang naudlot na balita sa Pilipinas Ngayon. Hindi naman siya binigo ng Mr. Avenida. Agad itong lumabas sa pahayagan at lumikha ng ingay sa isyu ng eleksyon.

“Aranaldo Galang – Kalaban nga ba ng mga Corrupt o Isa ring Corrupt? Wala ngang lihim na hindi mabubunyag. Mula sa isang mapagkakatiwalaang source, si Galang ay tumatanggap ng mahigit-kumulang dalawang milyong piso kada buwan. Ito ay nanggagaling sa jueteng payola sa isang lalawigan sa Bicol – “
“Sinong sumulat niyan?” pagputol ni Galang sa pagbabasa ng dyaryo ng kanyang tauhan.
“Eric Nathan Amparo, Sir.”
“Patahimikin mo. Malapit na ang eleksyon. Hindi niya puwedeng sirain ang reputasyon ko. Tawagan mo si Mr. Ronald Santos, bata niya yan.”
“Sir, balita ko nag-resign na siya sa istasyon ni Mr. Santos. Di niya na hawak yun.”
“Puwes, ‘yang Amparong yan mismo ang kausapin mo.”
“Opo, Sir.”

Maraming tawag ang natanggap ng opisina ng Pilipinas Ngayon. Dumagsa ang mga nag-uusisa sa balitang pinasabog ni Eric. Umani ang pahayagan ng papuri sa pagkakabunyag ng balita. Pero hindi puros papuri ang sadya ng mga tumatawag.
“Hello, sino ‘to?”
“Is this Mr. Avenida, the editor-in-chief of Pilipinas Ngayon?”
“Yes. May I know who’s on the line?”
“This is Attorney Friedrich Alajar, lawyer of Senator Galang.”
“What can I do for you, sir?”
“I just want to inform you that my client is planning to sue your company and your writer for libel. If you won’t retract the news of Mr. Eric Amparo, you will surely lose in the case - ”

Matapos mapakinggan ang pananakot ng abugado ni Galang, ipinatawag ni Mr. Avenida sa kanyang opisina si Eric upang ipaalam ang kanilang napag-usapan.
“Eric, tumawag dito ang abugado ni Galang kanina. Idedemanda raw nila tayo, lalo ka na. Isang-daang milyon ang hinihingi kapag natalo tayo sa kaso.”
“Alam ko namang darating yan. E di magdemanda sila. Basta may ebidensiya, hindi tayo ang makukulong,” tiwalang sagot ni Eric.
Buo pa rin ang loob ni Eric sa paniniwalang sapat ang ebidensiyang hawak niya. Bago pa man makarating sa korte ang demandahan, nagsimula na ang argumento sa isang tawag sa telepono. Habang papauwi si Eric galing opisina, tumunog ang cellphone niya.
“Sino ‘to?” tanong ni Eric sa kabilang linya.
“Huwag na natin ‘tong paabutin sa korte. Sigurado namang kayo ang dehado. Magkano ba ang kailangan mo?”
“Kung tiwala kayong mapapakulong niyo kami, idederetso niyo na ang usapan sa korte. Dalawa lang ang gusto kong mangyari. Una, lumabas ang baho ni Galang, na nangyari na. At pangalawa, matalo siya sa eleksyon, na alam kong mangyayari.”
“Isang milyon, Amparo. Kailan mo gustong ipadeposito?”
“Itabi niyo na lang yan. Hindi niyo na mababawi ang nagastos niyo sa kampanya.”
Sa huling salitang sinambit ni Eric, naputol ang linya.

Ilang araw ang lumipas at iba’t ibang klase ng death threats ang natanggap ni Eric. Sa kabila nito, hindi siya tumigil sa pagsusulat ng iba pang balitang tungkol kay Galang at iba pang politiko sa kanyang column. Natapos ang ingay ng mga jingle ng mga kandidato sa kalye. Nasulatan na ang mga balota. Nagpa-victory party na ang itninanghal na pangulo. Natupad na rin ang ninanais ni Eric. Habang nagta-type sa loob ng opisina ng sunod niyang pasabog, muli siyang nakatanggap ng tawag.
“Babalikan kita Amparo. Pagbabayaran mo ‘to.”
“Tapos na ko sa ‘yo. Pero kung gusto mong ituloy ang pakikipaglaro sa ‘kin, ‘kaw bahala.”
“Ano bang atraso ko sa ‘yo? Naargabyado na ba kita sa buong buhay mo?”
“Trabaho lang, Galang. Trabaho lang.”

-wakas-


Bogs

Ipinanganak siyang labis ang pagkakabaluktot sa pagyakap sa sarili. Lumaki siyang tila gumagalaw sa sariling mundo. Isang bagay lamang ang naging motibasyon niya sa buhay. Siya si Bolino Gomez. Bogs ang tawag sa kanya.
Oktubre 5, 2006
One, two, three... Kailangan pa bang dagdagan ng walang halagang x? X na kailangang hanapin pa? Sa totoong buhay, marami akong hinahanap, pero walang x at y! Kailan ko ba ‘to maipapasa? Kaya nga ko nag-Com Arts e! Please naman po, pang-limang take ko na ‘to! Limang taon na ‘kong nagtitiis kumain ng pansit canton dito! Gusto ko namang makakain ng masasarap na pagkain. Kaya please lang, kailangan ko na maka-graduate! Ipasa niyo na ‘ko rito!
Halos madurog na ang keyboard ni Bogs habang madiing pininipindot ang bawat letrang lumalabas sa monitor ng kanyang PC. Bumagsak na naman kasi siya sa third departmental exam sa Math 11 - College Algebra. Apat na beses na siyang lumiham sa propesor. Apat na beses na siyang nag-alay ng bulaklak. Apat na beses na siyang nagmakaawang pumasa.
“Hoy Bogs! Hinaan mo nga yang speakers mo! Makakatok na naman tayo rito e. Mas mabuti pa nga patayin mo na lang yan. Bakit ba wala kang kasawa-sawa sa Eraserheads? Disbanded na nga yan! Nagkabanda na ng kanya-kanya at nadisbanded din bawat isa. Ikaw naman, hanggang ngayon, yan pa rin ang pinapatugtog mo,” matalas na pananalita ng roommate ni Bogs habang nagbabasa ng librong Quantum Physics sa kama niya.
Siya si Melvin. Batch 2005. Applied Physics. Hindi talaga niya makasundo ang roommate na si Melvin dahil pakiramdam niya, kontrabida ito sa buhay niya. Malapit nang gumuho ang kuwarto nila sa bigat ng bawat salitang binibitawan nila sa isa’t isa araw-araw. Nasanay na sila.
“Walang pakialamanan! PC ko naman ‘to ha!” sagot ni Bogs.
“Kuwarto ko rin ‘to!” hirit naman ni Melvin.
“Isa pang sagot, di ka na makakalaro ng games dito!” pananakot ni Bogs.
Hindi na sumagot si Melvin.
Pinatay na ni Bogs ang PC nang dalawin siya ng antok. Nilapat niya ang nananakit na likod sa makipot niyang folding bed. Nang nakahiga na siya, nagtext siya kay Carla, ang girlfriend niya. Baby, 2log na ko. I luv u. Nyt!. Sumagot naman agad si Carla. Sige po. Luv u luv u luv u. Sobra! Nyt!. Nang may ngiti sa labi, unti-unti nang nilamon ng tulog ang kapaguran ni Bogs.
Maraming nagkakagusto kay Bogs. Marami ring nanliligaw sa kanya. Pagdating ng pangalawang taon niya sa kolehiyo, nakilala niya si Carla. Nahirapan siya manligaw. Kaklase pa niya ang nanligaw para sa kanya. Ngunit pinalad naman siyang sagutin ni Carla. Si Carla na ang nagturo sa kanya kung paano maging isang boyfriend.
“Hoy! Bilisan mo naman diyan sa C.R.! Late na ko!” sigaw ni Bogs sa isang naliligo.
“Pasensiya ka! Huli ka na gumising!” sagot ng naliligo.
Walang nagawa si Bogs kundi bumalik na lamang sa kuwarto. Agad siyang nagbihis at umalis upang pumasok sa klase. Sa kanyang paglalakad papuntang campus, nag-ring ang cellphone niya.
“Ma, napatawag kayo?”
“Nangangamusta lang. Kamusta naman ang pag-aaral mo? Naiinip na kami ng Papa mo sa graduation mo. Tinatanong na nga ni Mrs. Cruz kung kailan ka magpapasa ng resumé mo. Aba, malaki raw ang kita ng copywriter. Malapit na kasi mag-abroad yung isang copywriter nila,” paliwanag ng ina.
“Ma, ang tagal mo na sinasabi yan sa’kin ha?”
“Kaya nga. Trabaho na nga ang naghihintay sa ‘yo. Magtapos ka na. Huwag mo kaming biguin ng Papa mo. Malaki na ang nagagastos namin sa ’yo. Dapat apat na taon ka lang sa kolehiyo e malapit ka nang mag-anim na taon diyan!” pagdidiin ng ina.
“Alam ko po yun. Kaya nga pinagbubuti ko. Pahirap lang talaga yung mga propesor dito. Buti nga nakapasa ‘ko sa exam namin sa Math 11 e! Pangalawa lang naman ako sa highest!” pagmamalaki ni Bogs.
“E pang-limang take mo na yan. Kung hindi mo pa ba naman ma-master yan e ewan ko na lang! Basta mag-aral kang mabuti. Ingat ka riyan.”
“Opo. Sige na po. Ingat din kayo. Kamusta kay Papa.”
Matapos ang buong klase ni Bogs, umuwi na siyang muli sa dorm. Umuwi kasi ng Maynila si Carla kaya hindi sila nagkita. Laking pasasalamat niya at wala sa kuwarto si Melvin. Agad niyang binuksan ang PC. Naupo siya nang kumportable, nagbuntong-hininga, saka nagsimulang mag-type. Sa monitor mababasa ang kanyang pagkukubli.
Oktubre 6, 2006
Pagtatakip. Paglilihim. Pagsisinungaling. Katumbas ng kaligayahan. Hindi ko ito kayang ipagkait sa magulang ko. Kaya ganito na lamang ako. May pangarap din ako, pero tila labis ang kataasan para makamtan. Maraming hadlang. Bakit di niyo na lang ako hayaan? Hindi ko makakaya ang labis na kalungkutan ng aking magulang. Bakit di niyo na lang ito ipagkaloob? Bakit?
Nang huminto ang pagdaloy ng mga salita, muli niyang pinatugtog ang CD ng Eraserheads. Nilakasan niyang muli ang speakers. Halos madinig na hanggang kabilang dorm ang tunog. Nakasandal sa upuan, ipinikit ni Bogs ang mga mata at sumabay sa kanta.
“Magdadrive ako…”
Biglang may kumatok ng malakas sa pinto na halos mabuwag na ito.
“Ano ba? Hindi mo sarili ‘tong dorm! May exam pa ‘ko sa Chemistry bukas!” galit na sigaw ng dormmate.
“Pasensiya ka! Huli ka na nag-aral!” balik naman ni Bogs.
Wala na muling kumatok. Saka naman pumasok si Melvin.
“O, bakit di mo kasama syota mo?” usisa ni Melvin.
“Ano bang pakialam mo?” sagot ni Bogs.
“Siguro nag-away kayo. O kaya naman may iba siyang lalaki,” pang-aasar ni Melvin.
Galit na nilingon si Melvin, sumagot si Bogs, “Bakit ba?”
“May pakiramdam lang ako, hindi maganda.”
“Okey ka lang? Nilalamon na ng Quantum Physics ‘yang utak mo.” pagtatanggol ni Bogs.
“Pano kung totoo?”
“Ano ba? Tigilan mo nga ‘ko! Ipapakain ko sa ‘yo mga libro mo!” pagbabanta ni Bogs.
Nanahimik si Melvin. Humiga na lamang sa kama, saka muling nagbasa ng librong Quantum Physics.
Muling nag-type si Bogs. Sa monitor mababasa ang mga katagang:
Hindi. Hindi ako lolokohin ni Carla. Atake lang yun ng pagkahibang ni Melvin.

“Bogs, nakasalubong ko yung isa mong kaklase sa Math 11. Puntahan mo raw agad si Ms. Reyes sa office. Tungkol yata sa departmental exam mo,” sabi ni Melvin, nang makasalubong ito sa campus.
“Diyos ko naman! Alam ko namang bagsak na naman ako,” sabi ni Bogs taglay ang panglulupaypay.
“Basta pumunta ka na lang daw.”

“Ma’am, pinapatawag niyo raw ako,” magalang na sinabi ni Bogs sa guro sa loob ng office.
“Mr. Gomez, are you graduating this sem?”
“Bakit po?” tanong niya dahil hindi rin niya alam kung kailan ba talaga siya makaka-graduate.
“You did not pass the three departmental exams. I don’t want to give you false hope. There’s no way you could pass this course kahit na ma-perfect mo pa ang final exam,” paliwanag ni Ms. Reyes.
“Ma’am, baka naman po may iba pang paraan. Lagi naman po akong present sa klase. Please naman po, ipasa niyo na ‘ko. Kung gusto niyo mag-S.A. pa ‘ko sa inyo nang walang bayad, ipasa niyo lang ako. Sige na naman po. Inaasahan po ‘ko sa pamilya namin. Kailangan - ”
“I’m sorry Mr. Gomez. Better luck next sem.”
Next sem? Ilang sem na ‘to narinig ni Bogs mula sa iba’t iba naging teacher sa Math 11. Masipag naman siya mag-aral. Hirap lang talaga siya sa Natural Science 1 at 2, Math 1 at 11, at Spanish 1 at 2. Kahit anong aral ang gawin niya, hindi talaga niya makuha-kuha ang Math 11.
Halos gumapang na paakyat ng dorm si Bogs sa pagkadismaya. Hahanapin na naman niya ang X at Y sa susunod na semestre. Pagbukas niya ng pinto ng kuwarto, nakita niya si Melvin nakahiga sa kama. Naglakad patungo sa PC si Bogs. Dahan-dahan niya inilapat ang puwit sa upuan. Habang nakatitig sa monitor, binuksan niya ang PC at nag-type.
Oktubre 7, 2006
Saan kaya ‘ko makakarating sa hinaharap? May mararating ba ‘ko sa nangyayari sa buhay ko? Math 11 lang hindi ko maipasa. Hindi ka bobo Bogs. Bobo ka talaga Bogs. Makakapasa ka rin. Habang-buhay mo nang kapiling ang X at Y! Aaaaaaaaaaahhhhhh!
Nakatanggap siya ng text mula kay Carla. D2 pa ko Mla. Monday na balik ko. Data gathering pa ‘ko for my thesis. Musta na mahal ko?

“Hello Baby, san ka ngaun?” tanong ni Bogs kay Carla.
“By, di ba sabi ko sa ‘yo kagabi nasa Manila ko. Monday pa balik ‘ko diyan. Di mo ba na-receive yung text ko kagabi?”
“Na-receive.”
“Miss mo na ko no! Ako rin naman miss ko na mahal ko. Ingat ka lagi! Love you!”
“Love you too. Bye.”

“Hello Ma, bakit po kayo tumawag? Umiiyak ka ba?”
“Anak, may nakuha na raw na copywriter si Mrs. Cruz. Nakiusap nga ‘kong antayin ka pa pero, kailangan na raw talaga,” paputol-putol na sagot ng mama ni Bogs dahil sa paghagulgol.
“Ma naman, ang dami-daming ad agency sa Pilipinas. May makukuha rin akong trabaho.”
“Kailan ka ba kasi ga-graduate. Naiinip na kami.”
“Ako ba di naiinip? Ma, malapit na,” sagot ni Bogs kahit na di niya alam kung kailan nga ba.
Kahit may muta pa si Bogs, hinarap na agad nito ang PC, binuksan ito, tumitig sa monitor at nagsimulang mag-type.
Oktubre 8, 2006
Magulang ko, si Carla at ang hinaharap. Sila ang nagpakilala sa ‘kin ng konspeto ng takot. Kahit anong pilit na mawala ang takot, pilit pa rin itong kumakatok sa pagkatao at nanaising ito’y matakasan. Kailan ako lalaya?
Naisipan ni Bogs lumabas ng dorm para bumili ng pananghalian. Habang nakapila siya sa isang fast food chain, may naaninag siyang babae na tila pamilyar ang itsura. Pinilit niyang huwag na ito muling lingunin. Ngunit tila may bumubulong sa kanyang tenga na pagtuunan ng pansin ang misteryo. Lumapit siya sa kinauupuan nito. May kasamang lalaki. Hinawakan niya ang balikat ng babae.
“Carla?”
Gulat na lumingon ang babae. “Bakit?”
“Pasensiya na, nagkamali ako.”
Biglang nakatanggap ng text si Bogs. R u Bogs? Classmate ako ni Carla. Di ko kasi siya ma-contact. Binigay niya sa ‘kin yung number mo noon nung masira yung fone niya para ma-contact ko siya. Sira na naman ata fone niya kc d sya sumasagot. Pakisbi na lang na sabi ng adviser namin, ok na ung inputs ng data gathering na pinasa niya last week. Tnx!

Pagsapit ng alas-diyes ng umaga, napabalikwas siya ng gising para pumasok sa kanyang klase sa Philosophy. Kahit pupungas-pungas siya ng mata, nagsimula siyang maglakad papuntang campus. Sa kanyang paglalakad, hindi na niya narinig ang pagbagsak ng bolpen mula sa bulsa ng kanyang pantalon. Tila lumulutang pa ang kanyang kaisipan sa malayong kalawakan.
Matapos malagpasan ang buong araw ng pakikipagtagisan sa klase, umuwi siya muli sa dorm. Sumagi na naman sa isip niya si Carla. Noon niya nadama na unti-unti nang nawawala ang babaeng kanyang minamahal. Nangilid ang luha sa kanyang mga mata hanggang sa pati ang sipon niya ay tumulo na.
Nadatnan ni Melvin si Bogs na nakaharap sa PC. Dinig na dinig ang kanta ng Eraserheads mula sa kanyang speakers. Nakapatong lamang ang kanyang mga daliri sa keyboard. Nakabitin ang mouse. Nakapatong ang kanyang kaliwang paa sa CPU sa baba ng computer table. Sa itsura pa lang ng mukha ni Bogs, alam na ni Melvin na hindi niya ‘to dapat gambalain. Natulog na lamang si Melvin.
Alas-nuebe, nagising si Melvin at nakitang nakatulog na si Bogs sa upuan. Ginising niya ito at pinalipat sa kama. Natulog muli si Melvin. Wala nang ayos-ayos ay agad nagtungo si Bogs sa bar.
Sa bar, nagsimulang ilipat ni Bogs sa pag-inom ng beer ang sama ng loob. Dala-dala ang bote, papunta sana siyang C.R. nang bigla siyang bumangga kay Carla. Unti-unting binalot ng galit ang kanyang pagkatao at hinagis ang bote sa sahig. Agad naman siyang hinila ni Carla papalabas ng bar. Pilit isinakay ni Carla sa kanyang kotse si Bogs. Natatakot siyang gumawa ng eksena sa loob ng bar si Bogs. Ini-start ni Carla ang kotse at tumakbo palayo ng bar.
Habang nagmamaneho, patuloy ang pakikipagtalo sa kanya ni Bogs, kasabay ang pagtulak-tulak sa kanya nito. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang babae sa manebela. Isang malaking pagbangga ang nasaksihan ng gabi. Bumangga ang kotse sa harap ng isang parlor. Duguan ang babae, walang malay. Mabilis na tumakbo si Bogs papunta sa isang malapit na ospital upang humingi ng tulong. Agad niya itong naibahagi sa isang nars at agad naman silang nagpadala ng ng tulong. Si Bogs naman, wala nang balak balikan pa ang duguang katawan ng babae.
Nang pabalik na siya ng dorm, naisip niyang magpunta na lamang siya sa rooftop para magpahangin. Sa pag-iisa niya roon, muli na namang nagbalik sa kanyang ulirat ang lahat ng takot na dulot ng kanyang mga magulang, ni Carla at ng hinaharap. Ngayon, wala nang luhang namuo sa kanyang mga mata. Sa gitna ng kadiliman, sinabi niya, “Ni isang sandali, hindi na kakatok ang pagkatakot. Hindi mamaya. Hindi bukas. ”
Naalimpungatan si Melvin. Pinagpapawisan siya nang matindi ganoong hindi naman mainit. Agad siyang lumingon sa kama ni Bogs, wala siya. Narinig niya ang kanta ng Eraser- heads na, “In-love na naman si Shirley”. Nakita niya ang PC ni Bogs na naiwang naka-on. Pag-abot niya ng mouse na nakabitin, tumigil ang screensaver at sa unang pagkakataon, nasilayan niya ang kaisipan ni Bogs sa monitor.
UPLB. Salamat sa mga karunungan. Salamat sa mga karanasan. Sa aking mga guro, salamat sa pag-pasa, salamat sa pag-bagsak. Melvin, puwede ka nang maglaro lagi ng games sa PC ko. Masuwerte ka, kahit Quantum Physics naiintindihan mo. Eraserheads, mabuti pa kayo, kahit disbanded na, pinapakinggan pa rin. Kahit nag-kanya-kanya na, may career pa rin. Ako ganito pa rin. Ma, Pa, natakot akong mabigo kayo. Patawad. Kinain ako ng takot ko. Carla, hanggang sa kabilang buhay ikaw pa rin ang hahanapin ng aking kaluluwa. Natakot akong mawala ka. Mahal na mahal kita. Nilamon ako ng takot ko. Hindi ko na kayang harapin ang hinaharap. Nabalutan na ‘ko ng takot. Takot na nagsisilbing langis sa pagsulong ng aking buhay. Takot din na bumutas sa mga gulong na nagdala sa akin sa kapahamakan. Ito na ang aking kalayaan.
Agad kinuha ni Melvin ang kanyang cellphone at tinawagan si Bogs. The number you dialed is either unattended or outside coverage area. Please try your call again later. Ilang beses inulit ni Melvin ang pagtawag at ilang beses din niyang narinig ang mga salitang iyon. Tumigil lamang siya nang makarinig siya ng isang malakas na hiyaw sa labas ng dorm.
-wakas-

Paumanhin sa format. nagbago ito nang i-paste ko mula sa MS Word. : )

1 Comments:

  • At 3:24 AM, Anonymous Anonymous said…

    Kwento ni Bogs

    Maganda ang kwento, sounds like a true to life story. Natakot ako, kinabahan,pero na-touch ako, in-expect ko na sa bandang huli yun ang mangyayari. Ewan ko ba parang naka-relate ako sa story, isang kwento na tila parte na ng buhay ko. Ito ay isang reality ng buhay. Congratulations to Akdang Passionista! Keep up the good work!

     

Post a Comment

<< Home