Akdang Passionista

Sa walang hanggang katanungan, walang hanggan ang malalaman. Sa bawat tanong, mamimili ka, kung may bibitawan o may panghahawakan. Sa huli, sarili pa rin ang mamamayani.

Tuesday, November 22, 2005

Nakapapaso

Ilang luha pa ang kailangang bumuhos bago matigil ang unos?
Ilang puso pa ang dapat masugatan bago matigil ang kalungkutan?
Sa bawat pagpatak at sa bawat pagsugat, may kaluluwang nananaghoy at humihingi ng awa
Pakawalan siya mula sa paghihirap
Parang gusto nang sumuko at mawala na lang bigla
Takasan ang kulungan ng kalbaryo at paghihinagpis
Tumatangis sa hapdi ng sakit na nararamdaman
Kailan siya lalaya at makakatikim ng bagong umaga na may panibagong lakas?
Kaawaan Mo kaming lahat
Mahal namin Kayo
Mahal Mo rin kami
Wag mong biguin ang mga taong may paniniwala sa 'Yo
Sa mga pangako Mo na lang kami nanghahawakan
Umiigsi na ang pisi ng hiningang nagbibigay buhay
Iilang puso na lamang ang nagbibigay at tumatanggap ng pagmamahal
Dahil marami nang pagod
Pagod sa araw-araw na pagbuhos ng ulan na bola ng apoy ang ibinubuhos
Pumapaso at tumutunaw sa mga natitirang buhay
Naghihintay kaming mga umaasa ng bagong umaga mula sa 'Yo
Nakaluhod, magkahawak-kamay na dumadaing
Dinggin Mo nawa kami
Sa 'Yo kami umaasa.

Sunday, November 13, 2005

Gusto Kong Mawala

Gusto kong mawala
Para hindi ko sila makita
Para hindi nila 'ko makita
Gusto kong mawala
Para hindi ko sila marinig
Para hindi nila 'ko marinig
Gusto kong mawala
Para hindi ko sila maramdaman
Para hindi nila 'ko maramdaman
Gusto kong mawala
Para hindi ko sila masaktan
Para hindi nila 'ko masaktan.
Gusto kong mawala.
Ngayon na.

Sa Simpleng Tanong

Nagtatagal ako sa telepono para sa 'yo
Tinitiis kong di magpahinga para sa 'yo
Kumakain ako ng chocolates na bigay mo kahit mapula na ang pimples ko para sa 'yo
Ayokong uminom ng Pepsi para sa 'yo
Lahat para sa 'yo
Pero ang simpleng tanong ko sa 'yo
Hindi mo masagot
Iniiwasan mo
Sino ka ba talaga?
Ano ba talaga ang kailangan mo?